Sa konteksto ng globalisasyon, ang migrasyon ng mga magulang bilang Overseas Filipino Workers (OFWs) ay lumilikha ng dobleng realidad ng suportang pinansyal at emosyonal na hamon sa mga anak na naiiwan. Layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang emosyonal, akademiko, at gendered na karanasan ng mga mag-aaral mula sa Kalinga State University Laboratory High School na may magulang sa ibang bansa, gamit ang lente ng Gender and Development (GAD). Gumamit ang mananaliksik ng kwalitatibong disenyo at thematic analysis upang matukoy ang mga pangunahing tema mula sa mga salaysay ng mga kalahok. Ipinakita ng mga natuklasan na ang mga mag-aaral ay nakararanas ng patuloy na pangungulila at emosyonal na distansya, ngunit kasabay nito ay ang paglinang ng katatagan (resilience) at iba’t ibang paraan ng pagharap tulad ng digital communication, suporta ng kaibigan, at pananampalataya. Sa aspektong akademiko, ang sakripisyo ng mga magulang ay nagsisilbing pangunahing motibasyon na nagtataguyod ng disiplina at pananagutan, bagamat ang emosyonal na hamon ay nakaaapekto sa konsentrasyon at pagganap. Sa perspektibo ng GAD, natuklasan na ang parental migration ay hindi gender-neutral. Ang mga babaeng mag-aaral ay may mas mataas na responsibilidad sa gawaing bahay at caregiving roles, samantalang ang mga lalaking mag-aaral ay nagpapakita ng mas flexible na pag-angkop sa gawaing domestiko. Ipinapakita nito ang interaksyon ng migrasyon at gender norms sa loob ng pamilya. Sa kabuuan, binibigyang-diin ng pag-aaral ang pangangailangan ng gender-responsive at kontekstwal na interbensyon upang masuportahan ang kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral.
Publication Date: 2026-06-13